skip to main | skip to sidebar

Monday, January 30, 2012

Lucky Me Beef

Mahalaga sakin ang Lucky Me Beef. Dati madalas kong ikumpara ang presyo ng mga bagay sa presyo ng Lucky Me. Halimbawa, 20 pesos ang tsinelas na Rambo. Sa isang Rambo, 4 na lucky me ang mabibili ko. O kaya sa isang Upper Deck NBA card ni Charles Barkley 20 lucky me ang katumbas.


Naging mahirap para sa akin ang bumili ng mga bagay dahil sa kaiisip ko sa Lucky Me. Ayokong bumili ng bagong Rambo kahit putol na ang goma ng luma kong tsinelas. Kahit yung mas murang Smartan (japeyks na version na Spartan) nahihirapan akong bilhin. Hindi ako bibili ng bago kung kaya pang idugtong alambre yung tsinelas.


1995. Nauso nun sa mga mayayamang bata ang Fila. Tandang-tanda ko pa yung itsura ng sapatos ng classmate ko. Ang ganda. Nakakainggit talaga. Pero 4000 ang orig na Fila. Kahit yung japeyks na version ng Fila na ang tatak eh “Pila” mahal pa rin. Nasa 500 yata. Sa presyo nito, kahon-kahong Lucky Me na ang mabibili.


May mga bagay na bata ka pa lang alam mong wala ka nang karapatang pangarapin.

Bakit nga mangangarap ng orig na Fila? Bakit ka mangangarap ng SkyBox na NBA card ni Tony Kukoc; kung ang almusal ng pamilya mo eh isang Lucky Me Beef lang na lumalangoy sa sabaw. Paghahatian ng limang bata yan. SIla mama at papa, ewan. Di na yata sa kanila uso ang almusal.


Nung Chrismas party namin, 15 pesos ang napagkasunduang presyo ng exchange gift. Alkansya ang binigay ko. Saktong kinse yun, pwera pa gift wrap. Mga bente yata ang nanagastos ko kasi 4 pesos yung wrapper at bumili pa ko ng pisong scotch tape. Umasa akong higit sa bente pesos ang regalong matatanggap ko. Nang buksan ko ang natanggap kong regalo… Lucky me ang laman! May kasama pang bawang. Alam na alam ko ang presyo ng Lucky me. Alam kong wala sa kinse pesos ang natanggap kong regalo. Isang lucky me beef at dalawang pirasong bawang na tig-sikwenta sentimos (yung mga naka-stapler). Hanggang ngayon nagtataka ako kung bakit may kasamang bawang yung Lucky Me. Wala akong kakilalang naglalagay ng bawang sa instant noodle.


Ang sama ng loob ko sa nangyari. Pero naisip ko na lang, kung sino mang hinayupak ang nagregalo sakin nito, malamang mas kawawa pa sakin. Malay ko ba kung ginagawa din nilang almusal, tanghalian at hapunan ang Lucky Me. Baka nga walo ang naghahati sa isang noodles nila eh.


Bumili ako kanina sa tindahan ng Lucky Me. Nine (9) pesos na 'to ngayon. Naisip ko, meron kayang bata ngayon na ginagawa ang pagkumpara sa presyo ng Lucky Me sa presyo ng ibang bagay. 155 pesos na ngayon ang liempo sa Andoks, 17 Lucky Me. 100 pesos ang isang meal sa Mang Inasal, 11 Lucky Me. 5000 pesos ang Ultra-light ni Derrick Rose, pang isang taon na Lucky Me ...

0 comments:

Post a Comment